Excerpt from ‘The Alchemist (Ang Alkemista) The Filipino Edition’

Sa ika-pitong araw, nagpasya ang alkemista na magkampo nang mas maagsa kaysa sa dati. Lumipad ang halkon upang humanap ng makakain, at inialok ng alkemista sa binata ang kanyang lalagyan ng tubig.

“Ikaw ay halos nasa dulo na ng iyong paglalakbay,” sabi ng alkemista. “Binabati kita sa pagsisikap mong hanapin ang iyong Sariling Alamat.”

“At wala kang sinabi sa akin habang tayo’y naglalakbay,” sabi ng binata. “Akala ko’y ituturo mo sa akin ang ilang bagay na alam mo. Dumaan ang panahong naglakbay ako sa disyerto kasama ng isang tao na may libro tungkol sa alkemiya. Ngunit wala akong natutunan sa mga ito.”

“Iisa lamang ang paraan para matuto,” sagot ng alkemista. “Ito’y sa pamamagitan ng Gawain. Lahat ng dapat mong malaman ay matutunan mo sa iyong paglalakbay. May isang bagay na lamang na dapat mong matututunan.”

Nais alamin ng binata kung ano iyon, ngunit hinahanap na ng alkemista sa papawirin ang halkon.

“Bakit ka tinawag na alkemista?”

“Dahil iyon ako.”

“At ano ang nagging pagkakamali sa ibang alkemista na nagtangkang gumawa ng ginto subalit sila’y nabigo?”

“Ginto lamang ang tangi nilang hanap,” sagot ng kanyang kasama. “Hinahanap nila ang kayamanan ng kanilang Sariling Alamat, nang hindi naman talaga isinasabuhay ang Sariling Alamat.”

“Ano pa ang kailangan kong malaman?” tanong ng binata.

Ngunit patuloy na nakatingin sa orisonte ang alkemista. At sa wakas ay bumalik ang halkon dala ang kanilang pagkain. Naghukay sila ng butas at nagsindi ng apoy doon, upang hindi Makita ang liwanag ng ningas.

“Ako’y alkemista dahil ako’y alkemista,” sabi ng lalaki habang ihinahanda ang pagkain. “Natutunan ko ang siyensiya mula sa aking lolo, na natuto mula sa kanyang ama, at ganoon iyon mula pa noong pagkakalikha ng mundo. Noong mga panahong iyon, ang Obra Maestra ay maari nang isulat lamang sa isang Esmeralda. Ngunit nagsimulang tanggihan ng mga tao ang mga simpleng bagay, at nagsulat sila ng mga relihiyosong polyeto, mga interpretasyon, at mga pilosopikal na pag-aaral. Pakiramdam nila’y may alam silang mas mabuting paraan kaysa iba. Ngunit ang Lapida ng Esmeralda ay buhay pa rin hanggang ngayon.”

Excerpt from ‘Fifty Shades of Grey: The Filipino Edition’

 

HUMIHINGAL pa rin ako. Sinusubukan kong pabagalin ang paghinga ko, ang kumakabog na puso, at ang magulong pag-iisip ko. Wow…hindi kapani-paniwala. Dumilat ako, at natagpuan kong magkalapat ang mga noo namin. Nakapikit siya, hindi normal ang paghinga. Dumilat si Christian at tumitig sa akin, madilim ngunit may tamis. Magkahugpong pa rin ang mga katawan namin. Yumuko siya, marahang kinintalan ng halik ang noo ko, saka dahan-dahan siyang humugot at humiwalay sa katawan ko.

 

“Ooh.” Napakislot ako sa hindi pamilyar na pakiramdam.

 

“Nasaktan ba kita?” tanong ni Christian habang nakahiga siya sa tabi ko, nakatukod ang isang siko. Inalis niya ang naligaw na hibla ng buhok ko at inipit sa likod ng tainga ko.

 

Napangiti ako ng maluwang. “Tinatanong mo kung nasaktan mo ako?”

 

“Alam kong kabaligtaran iyon sa nangyari.” Nanunuyang ngumiti siya. “Seryoso, okay ka lang ba?” Puno ng sidhi ang mga mata niya, nagsisiyasat, mapaghanap pa nga.

 

Umunat ako sa tabi niya, parang nakalas ang mga biyas ko, nagsa-gulaman ang mga buto ko, pero payapa ang pakiramdam ko, payapang-payapa. Ngumisi ako sa kanya. Hindi ko magawang tumigil sa pagngisi. Ngayon ay naiintindihan ko na kung ano ang pinagkakaguluhan nila rito. Dalawang orgasms… parehong hindi kayang pigilan, tuloy-tuloy, wow.  Hindi ko alam na may kakayahan pala akong gawin ito.  Parang iyong naipong takot at pangingimi ko ay marahas na napakawalan. Talagang nasiyahan ako, hindi kayang mailarawan ang kasiyahan.”

 

 

Read more...