Erensya
Nagbubulong ng dalangin ang mga parang at ulap
ang sumasagot: Magtatag-ani nang muli,
namamaga ang lupa, nagnanaknak
sa isang sanga ang manggang sinlaki
ng kamao. Para bang tinutunaw ng alinsangan
ang dagtang nakabalot sa lihim na puso
ng mundo. Noong isang gabi, tinugis ako
ng sanlibong santelmo at tikom-labing nasaksihan
ng ipa ang pagkapkap ng mga maligno
sa aking mga bulsa. Pagdilat lamang,
pagdilat lamang, dahil sa kahuli-hulihan,
wala akong ari-arian kundi sandakot na buto.
Ang sabi ng Tatang, inilipat na niya
sa aking pangalan ang natitirang ektarya
ng erensya. Hindi na po yata kailangan nito.
Ang totoo, umuwi lamang ako
para ihagis sa siga ang lahat ng liham,
titulo, lahat ng patunay na buhay pa ako.
Natupok na ang lungsod na namuo
sa mga mata ko. Maghuhukay, maghuhukay ako
nang habambuhay dito.
Usahay
“Translation is the art of failure.”
—Umberto Eco
Minsan, tititig ka sa bumbilya at walang maaalala kundi ang gabing binulag ka ng mga alitaptap. Matatagpuan ka rito, kinabukasan, sa pagitan ng lungsod at ng parang, ng semento’t alangaang, sa kahabaan ng NLEX habang muling inaaral ang sining ng pagkabigo. Naaalala mo ang hilera ng akasya, sa tabing-ilog sa iba pang probinsya, ang nag-iisang dahong tila nagbigay ng babala bago ka humampas sa batuhan. Rapids: Pamumutla ng tubig; pagtitig ng araw sa naglulumot na ilalim ng bangka; mortalidad. Holocene: Pangalan ng bato, bago pa maimbento ang pangalan o ang bato. Minsan ka nang binulungan ng salita para sa dilim na nagsusumiksik sa dibdib ng kawayan, kaya’t sa bawat bayang mapuntahan mo, una mong hinahanap ang diksyunaryo: kintsugi: Sa Nara, minasdan mo ang isang matandang nagtutunaw ng gintong ipanghihilom sa sugatang mga paso. Sa Nueva Ecija, pinapangalanan ng Tatang ang lahat ng natitirang puno ng mangga. Nang huli kayong nagkita, naglapat siya ng mga palad sa magkabila mong pisngi, pilit inaaninag ang nagdaang siglo sa mga kulubot ng iyong noo. Amang, ano nga uling pangalan ang iyo? Petrichor: Alimuom. Translatus: Bitbitin, patawid, gaya ng minsang tanong: Paanong naitatawid ang katahimikan sa mga isla ng iyong talasalitaan? Paano bang ipakikilala ang nag-iisang liwanag na lumilikha ng anino, ang mga tribo ng propetang nangaral na uuwi tayong lahat sa abo. Naaalala mo nang minsan kang naipit sa tarangkahan? Doon, sa probinsyang ipinangalan sa ilog at ginto, ilog ng ginto. Isang salita ang paulit-ulit na pinilas ng dalaga mula sa kanyang hininga. Pilit inaansalan ng talulot ang mga guwang ng mundo. Usahay, ang ibig sabihin, minsan lang pala. Narito ka na. Sa pagitan ng palay at bigas, tila ba nagliliyab ang ipa.
Dibidendo
Ilang taon nga bang idiniin sa akin
na may langit din ang lungsod na ito.
Sa kanto ng riles at Misericordia,
may isang batang nahagip ng traysikel,
sumadsad sa aspalto. Pagbangon, nakita
ng mga usisero ang sugat na kahugis
ng mukha ni Kristo. Milagro,
pero tinuklap ko ang langib,
isang kutkot sa bawat pantig
ng dasal ko: San Lazaro,
pahiramin mo ako ng kabayo,
ilayo mo ako dito. Ibulong mo sa akin
ang pangalan ng pagpapalain mong dehado.
Di ko sukat akalaing kailangan kong itaya
ang sariling dila para makuha ang dibidendo:
baryang pamasahe, pang-upa sa kahon
ng posporo, pagkamuhi ng mga kababata ko.
Ngayon, wala nang makakilala sa akin
sa tuwing dadalaw ako. Noong isang araw,
inabot ko ang amang nagche-chess
nang mag-isa. Namatay na raw si Mang Ramon;
sumabit sa nakausling pako, natalsikan
ng tubig-kanal ang sugat, ginapang ng nana
ang sentido. At sino nga pala ulit ako?
Gusto ko sanang saguting Ako ito,
pero tinupok na ng baha ang patunay
na ako talaga ito. Naglakad na lang akong palayo,
napadpad sa tagpuan ng lumang aksidente.
Nasunog na ang dating bilihan ng diyaryo;
may tinderang nakikipaghabulan
sa natutunaw na yelo. Itinatalaksan ng tubig
ang uling at abo. Hinahanap ko
ang pader na nagsabing
may langit pa rin dito: San Lazaro,
patnubayan mong muli ako. Ano pa ang itataya
upang mabawi ang dila ko?