PNoy: ‘We dared to dream’

President Benigno “Noynoy” Aquino III, the 15th President of the Philippines, died on June 24. He was 61.

He was an Ateneo de Manila alumnus, graduating from grade school in 1973, high school in 1977 and from college with a degree in AB Economics in 1981.

Years later, he returned to his alma mater to give the commencement speech for the batch of 2016. He did it in 2011 as well. But 2016 was extra memorable—it was his last public address as president. He referred to the end of his presidency as a graduation, too.

We remember him with these excerpts from what he said was the third version of his speech—version, not draft.

Malamang, ang mga guro at magulang niyo, sinasabi na mag-aral kayo nang mabuti bilang paghahanda sa mas magandang kinabukasan. Sinabi rin po sa amin ’yan. Pero mahirap isabuhay dahil sa panahon namin sa ilalim ng diktadurya, hindi sigurado kung may kinabukasan kami. Kapag nagsalita ka laban sa kanila ay puwede kang makulong, ma-torture, o mapatay.Marahil, nabasa na rin ninyo ang nangyari sa aking ama noong panahong iyon. Ginawa lang naman niya ang kanyang trabaho bilang senador. Nang makakalap siya ng impormasyon tungkol sa pang-aabuso, isiniwalat niya ito. Pinalagan niya ang pang-aapi at pagiging ganid ng diktador. Dahil dito, inaresto siya habang nagtatrabaho sa gitna ng gabi, at ikinulong.

Kung tutuusin, kahit papaano ay masuwerte pa rin kami dahil nakita pa namin ang aking ama. Malawakan ang pagyurak sa karapatan noong mga panahong iyon. Senador ang tatay ko, pero ganoon na ang nangyari sa kanya. Paano pa kaya ang iba. Marami po ang pinaslang. Ang masaklap, hanggang sa ngayon ay hindi na nalaman kung ano ang nangyari.Sabi po ng pilosopong si Edmund Burke: “The only thing necessary for the triumph of evil is for good men to do nothing.” Tapos na ang panahon ng diktadurya, pero hindi naman nawawala ang pangangailangan na makisangkot sa mga isyung panlipunan. Kabahagi ’yan ng pagiging “men and women for others.”

Siguro noong una niyong marining ang “men and women for others,” sabi niyo, tama. Magandang pilosopiya sa buhay. Iiwan ko na lang sa mga relihiyoso at pilosopo ang espiritwal na dahilan kung bakit dapat tayong mabuhay para sa kapwa. Hayaan ninyong pasukan ko ang lohikal na antas, at kung bakit pagsukat natin sa lohikal na antas ay makikita na ang kabuluhan ng prinsipyong ito.Ano ang ibig kong sabihin dito? ’Di ba, kung magpapatuloy ka ng sistema na hindi sasagad sa pagkakataon ng iyong kapwa, iniiwan mo sila sa mababang kalagayan. Sabi nga sa liberation theology, “if you do not fight an oppressive structure, you are supporting it.” Halimbawa po, kung ikaw ay negosyante, at hindi mo tiningnan ang iyong manggagawa bilang kapwa, at bagkus, bilang factor of production, ano ang mangyayari? Bibigyan mo sila ng maliit na sahod para maliit din ang iyong gastos. Maitutulak mo sila sa buhay na isang kahig, isang tuka, na lalo pang lalala nang lalala sa bawat henerasyon. Parang sinisigurado mo na rin na pati ’yung sarili mong pag-asenso ay inipit mo na rin.Kung abutin naman sila ng pagka-desperado at naging handang kumapit sa patalim, paano ka makasisiguro na magiging exempted ka sa krimeng baka napilitan silang gawin? Kapag nagkasakit sila at nagkaroon ng epidemya, paano ka makakatiyak na exempted ka sa sakit? Malinaw naman sa ating kasaysayan: Walang problemang nalutas dahil sa mga taong walang pakialam.Ito nga ang dahilan kung bakit namin sinikap na maging government for others. Para sa kahit sinong sisipat nang patas sa ating mga nagawa, malinaw: Itinuon natin ang gobyerno sa kapakanan ng ating mga kababayan, lalo na ang mga nasa laylayan ng lipunan.

Ang budget na dating palaging reenacted kaya nagagamit bilang kasangkapan upang mangurakot, ipinasa natin sa tamang panahon taon-taon, at nang laging nakatuon sa makatuwirang paggugol ng pera ng bayan. Kung tutuusin, matatayog na pangarap lamang ang mga ito noon. Pero ika nga, we dared to dream. At dahil diyan, puwede naming tingnan sa mata ang kahit sino at sabihing: Sinagad namin ang pagkakataong ibinigay sa amin para maibigay ang nararapat sa mas nakararami, imbes na sa iilan lang.Lahat ng ito, at marami pang iba, nagawa dahil nakiambag ang napakaraming Pilipino: Sa loob ng administrasyon at sa pribadong sektor, sa sarili nating mga paraan, malaki man o maliit, pansin man o hindi ng madla.Sa buhay ko po, marami akong hamon na pinagdaanan. At isa sa pinaghuhugutan ko ng inspirasyon ang nangyari sa aking mga magulang. Ano ba naman itong pinagdaanan ko kumpara sa nalampasan nila. Ang pinaghuhugutan ko ng lakas ay ang pananampalataya sa magandang plano ng ating Panginoon para sa atin lahat.

Read more...