Pinalaya na tayo ng Tula
Hindi ikaw ang taludtod sa saknong
na ’di matapos-tapos.
Hindi ikaw ang tugmaang ganap
na nagpapalakas
sa matimping salitang
sa iyo’y nangungusap.
Hindi ikaw ang sukat na nagdirikta
sa hangganan ng aking nadarama.
’pagkat hindi na ikaw
ang tradisyunal na tula
na obligado kong paglaanan ng sukat.
Hindi na ikaw ang tradisyunal na tula
’Di na ikaw ang tradisyunal na tula
Na kailangang makatugma
Upang damdamin nati’y
mabigkas nang tama.
’pagkat ngayon, tayong dalawa’y
mga malayang tula na lamang.
may layang umawit sa bawat saknong,
May layang manghinayang sa bawat taludtod.
Ambon
Mahal,
huwag mo akong iiwan
gaya ng panandaliang ulan,
na magbibigay lamang
ng alimuom
at saglit na papawi
sa alinsangan.
Huwag mo akong iiwan
gaya ng panandaliang ulan,
na magbibigay lamang ng kabag sa tiyan.
Huwag mo akong iiwan
gaya ng panandaliang ulan,
na dadaan lamang
para tuyain ako’t paasahin sa ginhawa.
Huwag mo akong iiwan
gaya ng panandaliang ulan,
na palalabasin lamang ako para paglaruan.
Hayaan mong tayo’y magtampisaw
sa ating damdamin.
Huwag na huwag mo akong iiwan gaya ng panandaliang ulan.
Ayaw kong maambunan lamang ng iyong pagmamahal.
Huling Sandali
Kung papipiliin man ako ng lugar ng aking kapahingahan,
pipiliin kong manatili sa iyong mga bisig.
nais kong ipaghele mo akong muli,
nais kong muling marinig ang Oyayi
mula sa malambing mong tinig,
habang malaya mong hinahaplos
at pinagmamasdan
ang aking mukha
na dalawang dekada na ang itinanda.
Kung papipiliin man ako ng lugar ng aking kapahingahan,
pipiliin kong manatili sa iyong mga bisig.
nais kong marinig muli ang kuwento ni Pagong at Matsing,
ni Inang ibon at inakay,
kung bakit matalino si Kokoy Unggoy.
Nais kong muling marinig ang ’yong mga salaysay
kung tunay ba ang mga tiyanak, duwende at aswang,
kung totoo bang may tikbalang sa tapat ng bahay.
’pagkat nais kong muli ibalik ang aking musmos na isip.
Kung papipiliin man ako ng lugar ng aking kapahingahan,
pipiliin kong manatili sa iyong mga bisig.
Nais kong marinig muli mula sa iyong labi kung paano bumilang hanggang isandaan,
kung paano ko I-inglisin ang salitang
“aso, pusa, kalabaw, kabayo, kambing at usa”
sapagkat sa ganitong paraan kita maaalala.
Kung papipiliin man ako ng lugar ng aking kapahingahan,
pipiliin kong manatili sa iyong mga bisig.
Nais kong hagkan ka nang mahigpit.
Gayong ito na ang huling sandaling Ika’y aking masisilip.