Madaling nakíta ni Renzo si Mica sa labas ng gate ng St. Michael’s. Wala masyadong tao sa kalsada dahil kinabukasan lang ng Pasko. Mangilan-ngilan lang ang traysikel at kotseng dumaraan. Puyat pa ang maraming tao dahil sa mga selebrasyon. Pero ang mga bagani at si Renzo, wala pa halos tulog dahil sa mga nangyari sa Angono.
Ilang beses na ring nakita dati ni Renzo ang dalagita sa mga picture nito sa phone ni Janus. Nakaputing t-shirt ito ngayon, maong na shorts, at may asul na ribbon ang buhok sa likod. Chinita nga, naisip ni Renzo. At mas matangkad kaysa sa inaasahan niya.
Pare-pareho silang walang choice na patagalin pa ang pagkikitang ito. Kung puwede lang ay kahapon din sila sumugod ni Manong Joey dito sa Balanga para tiyaking ligtas ito. At para alamin din kung ano-ano na ang alam nito matapos makita ang Tiyanak at bumalik ang mga alaala nito. Pero kahapon, matapos ang nangyari kina Miro at Janus, mas hindi nila alam ang uunahin sa Angono. Kinailangang tumawid ni Manong Isyo sa Kalibutan kasama ang ilang bagani para sundan si Mira at tulungan sina Aling Ester at ang mga manananggal doon na nilusob nga ng mga mambabarang. Mga mambabarang na akala nila ay nalipol nang lahat maliban sa mga bihag na nasa Kalibutan. Mabuti at may kakayahan ang angkang nuno ni Amtalaw para magsilbi ring tulay sa pagitan ng Daigdig at Kalibutan.
Ni hindi nila maipagluksa nang maayos ang pagkamatay ni Miro. Iyung bangkay nito, na kakalahating katawan na lang, ipinabahala na ang pag-aasikaso kina Ma’am Ludinia na teacher nina Janus sa ESISA, ang eskuwelahang itinatag ng mga bagani. Si Janus, hindi nga nila alam kung nasaan hanggang ngayon. Hindi nila makontak ang cellphone nito. Walang reply sa texts o sa messages sa FB. Hindi masagap ng utak nina Manong Joey rito sa Daigdig o nina Manong Isyo sa Kalibutan ang kinalalagyan nito.
Samantala, alam na ni Mica ang nangyari sa Balanga, ang dahilan ng pagkamatay ni Harold sa Malakas, at ang… ang meron sa kanila ni Janus. Nang makita niya ang Tiyanak noong isang gabi, bago ang noche buena, nawalan ng bisa ang pampalimot na ginawa nina Manong Joey sa kaniya. Inalis ng Tiyanak ang pantabon sa alaalang inilagay ni Manong Joey. Parang pagtuklap sa snopake para makíta ang tinabunang nasa ilalim, sa pag-aakala ng Tiyanak na may malaláman ito tungkol sa kapatid nito.
Alam mo ba kung nasaan ang kapatid ko?
Nanginginig pa rin si Mica sa tuwing maaalala ang boses na iyon, ang nanlilisik na mga mata ng batà bago ito nag-anyong kamukha ng lahat ng tiyanak sa mga pelikulang napanood niya. Sino ka? Sinong kapatid?
Para mapalagay ang loob niya at magtiwala kina Manong Joey, may mga ipinadalang pictures si Renzo sa kaniya. Kasama ng mga ito si Janus. Nakangiti si Janus sa pictures pero kita niya ang lungkot sa mga mata nito. Naaalala niya noong huli siyang kinausap nito nang personal, sa klasrum, noong wala siyang maalala. Noong hindi niya maintindihan ang sinasabi nito. Nakaramdam ng kirot sa loob niya si Mica. Siya lang ang inaasahan ni Janus na makausap noon. Pero wala siya. Hindi siya nakinig dito. Hindi siya nito naasahan. Kahit noong namatay ang mga magulang nito, wala siya. Hindi man lang siya nag-text. Hindi man lang siya nakiramay, kahit bilang kaklase man lang. Hindi talaga niya naisip na magkalapít na sila bago ang mga nangyari. Hindi rin niya naramdaman. Anong klaseng girlf… kaibigan siya. Magkaibigan lang ba sila? Mag-ano na ba talaga sila?
Apat na buwan siyang hindi nakasama ni Janus at heto’t ang dami na nitong bagong kakilala. O lahat ng nakasama nito ay mga bagong kakilala. Pinipilit na magbuo ng bagong buhay na wala siya. Dahil wala ako nung kailangang-kailangan niya ako.
Nakausap niya kagabi sa cellphone ang nagpakilalang Manong Joey. Sinabihan siyang huwag sisihin ang sarili dahil ito ang may gawa ng paglimot niya sa mga nangyari. At alam din daw iyon ni Janus, pinayagan nitong hindi bawiin ang pagburang iyon sa mga alaala niya para protektahan siya.
Ai-yah, di man lang n’yo ako tinanong kung gusto ko rin ba iyon, naisip ni Mica kagabi. Utak ko ito, alaala ko ito. Pero ang sinabi lang niya sa telepono kay Manong Joey: Kawawa naman po si Janus.
Si Manong Joey rin ang nagpaliwanag sa kaniya tungkol sa nangyari kay Harold. May paliwanag din ito sa TALA, may paliwanag sa Tiyanak. May paliwanag sa halos lahat ng bagay na gumugulo sa isip niya simula nang makita niya ang Tiyanak at si Boss Serj. Pero mga paliwanag iyon na hindi matanggap ng isip niya. Totoo si Tala? Totoo ang lahat ng halimaw at maligno’t aswang na nilalaro lang nila sa TALA? Pero nakakita siya ng tiyanak. Ang Tiyanak nga ba iyon? Ngayon, hindi na siya sigurado.
Nasaan po kaya si Janus?
Iyon, doon, wala ring sagot sina Manong Joey. Basta nawawala si Janus. At baka raw balikan siya ng Tiyanak, kung hindi pa nito hawak si Janus. Kailangan niya sina Manong Joey bilang proteksiyon. Kailangan din siya nina Manong Joey dahil puwedeng may makuha sila sa dalagita mula sa alaala nito na makapagtuturo sa kanila sa kinaroroonan ni Janus.
Abangan ang ikatlong aklat ng serye ngayong 2017!