TATLONG TULA | Lifestyle.INQ

OCTOBER 27, 2022

Erensya

 

Nagbubulong ng dalangin ang mga parang at ulap

ang sumasagot: Magtatag-ani nang muli,

namamaga ang lupa, nagnanaknak

 

 

sa isang sanga ang manggang sinlaki

ng kamao. Para bang tinutunaw ng alinsangan

ang dagtang nakabalot sa lihim na puso

 

 

ng mundo. Noong isang gabi, tinugis ako

ng sanlibong santelmo at tikom-labing nasaksihan

ng ipa ang pagkapkap ng mga maligno

 

 

sa aking mga bulsa. Pagdilat lamang,

pagdilat lamang, dahil sa kahuli-hulihan,

wala akong ari-arian kundi sandakot na buto.

 

 

Ang sabi ng Tatang, inilipat na niya

sa aking pangalan ang natitirang ektarya

ng erensya. Hindi na po yata kailangan nito.

 

 

Ang totoo, umuwi lamang ako

para ihagis sa siga ang lahat ng liham,

titulo, lahat ng patunay na buhay pa ako.

 

 

Natupok na ang lungsod na namuo

sa mga mata ko. Maghuhukay, maghuhukay ako

nang habambuhay dito.

Usahay

 

 

“Translation is the art of failure.”

—Umberto Eco

 

 

 

 

 

 

 

Minsan, tititig ka sa bumbilya at walang maaalala kundi ang gabing binulag ka ng mga alitaptap. Matatagpuan ka rito, kinabukasan, sa pagitan ng lungsod at ng parang, ng semento’t alangaang, sa kahabaan ng NLEX habang muling inaaral ang sining ng pagkabigo. Naaalala mo ang hilera ng akasya, sa tabing-ilog sa iba pang probinsya, ang nag-iisang dahong tila nagbigay ng babala bago ka humampas sa batuhan. Rapids: Pamumutla ng tubig; pagtitig ng araw sa naglulumot na ilalim ng bangka; mortalidad. Holocene: Pangalan ng bato, bago pa maimbento ang pangalan o ang bato. Minsan ka nang binulungan ng salita para sa dilim na nagsusumiksik sa dibdib ng kawayan, kaya’t sa bawat bayang mapuntahan mo, una mong hinahanap ang diksyunaryo: kintsugi: Sa Nara, minasdan mo ang isang matandang nagtutunaw ng gintong ipanghihilom sa sugatang mga paso. Sa Nueva Ecija, pinapangalanan ng Tatang ang lahat ng natitirang puno ng mangga. Nang huli kayong nagkita, naglapat siya ng mga palad sa magkabila mong pisngi, pilit inaaninag ang nagdaang siglo sa mga kulubot ng iyong noo. Amang, ano nga uling pangalan ang iyo? Petrichor: Alimuom. Translatus: Bitbitin, patawid, gaya ng minsang tanong: Paanong naitatawid ang katahimikan sa mga isla ng iyong talasalitaan? Paano bang ipakikilala ang nag-iisang liwanag na lumilikha ng anino, ang mga tribo ng propetang nangaral na uuwi tayong lahat sa abo. Naaalala mo nang minsan kang naipit sa tarangkahan? Doon, sa probinsyang ipinangalan sa ilog at ginto, ilog ng ginto. Isang salita ang paulit-ulit na pinilas ng dalaga mula sa kanyang hininga. Pilit inaansalan ng talulot ang mga guwang ng mundo. Usahay, ang ibig sabihin, minsan lang pala. Narito ka na. Sa pagitan ng palay at bigas, tila ba nagliliyab ang ipa.

Dibidendo

 

 

 

 

Ilang taon nga bang idiniin sa akin

na may langit din ang lungsod na ito.

Sa kanto ng riles at Misericordia,

 

 

may isang batang nahagip ng traysikel,

sumadsad sa aspalto. Pagbangon, nakita

ng mga usisero ang sugat na kahugis

 

 

ng mukha ni Kristo. Milagro,

pero tinuklap ko ang langib,

isang kutkot sa bawat pantig

 

 

ng dasal ko: San Lazaro,

pahiramin mo ako ng kabayo,

ilayo mo ako dito. Ibulong mo sa akin

 

 

ang pangalan ng pagpapalain mong dehado.

Di ko sukat akalaing kailangan kong itaya

ang sariling dila para makuha ang dibidendo:

 

 

baryang pamasahe, pang-upa sa kahon

ng posporo, pagkamuhi ng mga kababata ko.

Ngayon, wala nang makakilala sa akin

 

 

sa tuwing dadalaw ako. Noong isang araw,

inabot ko ang amang nagche-chess

nang mag-isa. Namatay na raw si Mang Ramon;

 

 

sumabit sa nakausling pako, natalsikan

ng tubig-kanal ang sugat, ginapang ng nana

ang sentido. At sino nga pala ulit ako?

 

 

Gusto ko sanang saguting Ako ito,

pero tinupok na ng baha ang patunay

na ako talaga ito. Naglakad na lang akong palayo,

 

 

napadpad sa tagpuan ng lumang aksidente.

Nasunog na ang dating bilihan ng diyaryo;

may tinderang nakikipaghabulan

 

 

sa natutunaw na yelo. Itinatalaksan ng tubig

ang uling at abo. Hinahanap ko

ang pader na nagsabing

 

 

may langit pa rin dito: San Lazaro,

patnubayan mong muli ako. Ano pa ang itataya

upang mabawi ang dila ko?

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

MOST VIEWED STORIES

FROM THE NICHE TITLES