PRESIDENT Aquino recently harnessed the decades-long rivalry between Ateneo and La Salle to illustrate how healthy competition between the two schools could eventually result in constructive action. Alumni from both institutions work harmoniously in his administration, Mr. Aquino told the Ateneo Lady Eagles, La Salle Lady Spikers and Ateneo Blue Spikers volleyball teams during their courtesy call on the President in Malacañang. Mr. Aquino stressed that the lessons of humility, teamwork and sportsmanship should stay with the players for life.
Below is the full text of his speech:
“Magandang tanghali muli sa inyong lahat.
“At least, natuloy ho itong ating luncheon, and I’d like to thank both Father Jett (Villarin) and Brother Armin (Luistro) for organizing this, and I really felt this was a very timely event. So, this is the formal portion of the speech… You know, I could see in your faces there are a lot of questions in your mind. I think first and foremost are two questions: One, when will we eat [laughter], and, is there enough for everybody?
“Susan, I’m glad you’re here. I hope you took note that these are athletes who normally have healthy appetites. “Alam po n’yo, talagang deka-dekada na ang inabot ng rivalry ng Ateneo at La Salle. Naaalala ko nga po, noong panahon namin, which was about five years ago or so, [laughter] grabe ang girian. Siguro po, kung literal na nakakapatay ang masamang tingin, marami nang nakaltas na henerasyon ng mga Atenista at La Sallista.
“Hanggang ngayon, mainit pa rin ang tunggalian ng dalawang eskuwelahang ito. Mapabasketball, volleyball, o iba pang paligsahan, laging pinipilahan at pinag-aagawan ang mga ticket—siguro para kay Fr. Jett, sunod sa mga nag-a-appeal sa pagpasok sa Ateneo [laughter] ay ’yung pagkuha ng tiket ang pangalawang problema niyang pinakamabigat, mapanood lang po ang laban.
“Wala itong pinipiling edad; anumang taon ka nag-graduate, lahat, all-out sa pagcheer sa kani-kaniyang alma mater. Paano ba naman kasi, sa tuwing naghaharap, parang laging buhay ang nakataya. Championship man o no bearing ang laban, parehas lang, talagang itataya ng bawa’t isa ang lahat, huwag lang madaig ng kalaban.
‘Pagkakaisa’
“Ngayon, kung mapapansin ninyo ang ating Gabinete, mayroong pong nag-aral sa Katipunan [Ateneo] mayroon pong nag-aral sa Taft [La Salle] at sa Green Hills [La Salle high school] at mayroon naman pong hindi sigurado kung saan nila gusto pumunta [laughter] tulad po ni Kim Henares na galing sa La Salle at sa Ateneo, at saka ni Jun Abaya—nagpunta ng Taft, tapos Ateneo Law School by way of Annapolis, ’yung eskuwelahan po, hindi ’yung street ha. “Gayunpaman, pamilya na ang turing namin sa isa’t isa. Sa lahat ng pagkakataon po, mayroon kaming pagkakaisa, maliban na lang, at ito lang ho—singular time na hindi ho united ang Cabinet, ’pag naglalaban ang Ateneo at La Salle.
“Tulad ho noong isang beses, kasama ko sa isang silid dito po sa Malacañang si Brother Armin at Secretary Babes Singson, na parehong galing La Salle. UAAP (University Athletic Association of the Philippines) season po noong nakaraang taon, at finals na yata ng men’s basketball tournament o round of four. Ang tanong ni Secretary Babes kay Brother Armin, ‘How did our team do?’ Ang sagot po ni Brother Armin, ‘Ateneo lost to NU (National University).” [Laughter] ’Di ko naman po alam kung pinaparinig sa akin ’yun. “Ang sabi ko, ‘Di ba ’yung tanong, ‘How did our team do?’ Pero Ateneo at NU ang pinag-uusapan n’yo?’ Kako, ‘Ganyan ba ang turo sa inyo sa La Salle, huwag sagutin nang diretso ang tanong? Christian Brother ka pa man din.” Tapos, nagtawanan po kaming lahat.
“Isang beses naman, mayroong state visit dito sa Malacañang. At sa tuwing kami’y magtu-trooping down the line, ang tinutugtog po ng PSG (Presidential Security Group) Band ay ‘Blue Eagle, The King!’ Ang nakangiting sabi ni Sec. Babes, ‘Bakit sa okasyong ganito, lagi na lang ‘Fly High’ ang naririnig ko?’ Ang sagot ko naman po, kasi kapag ‘When The Saints Go Marching In’ ang pinatugtog natin, baka ho imbes na mag-martsa, magsayawan ang lahat ng ating panauhin.’ [Laughter]
“Natapat din na noong nakaraang taon at ngayong taon, kasabay ng finals match ng Ateneo at La Salle women’s volleyball team, ay nasa Baguio ako para sa PMA (Philippine Military Academy) graduation. Gustuhin ko mang manood, hindi ko na nagawa, dahil nagkataon ding may isyu tayong dapat tutukan at pag-aralan. “Pero sa totoo lang, hindi ko na kinailangang tumutok sa TV; sa hiyawan pa lang ng mga kasamahan nating nakakapanood nito, nalalaman ko na kung gaano katindi ang laban, at kung sino ang nananalo.
‘Nagyakapan’
“Ang ikinatutuwa ko po ay noong magbasa ako ng diyaryo sa sumunod na araw nitong huling labanan. Ang nadatnan kong larawan: May nakasuot ng berde at may mga nakasuot ng bughaw, nagyakapan. Tapos na ang laban, naroon kayong mga manlalaro’t taos-pusong binabati ang isa’t isa. Sa kabila ng mahigpit na kompetisyon at matinding pressure na manalo, pinairal ninyo ay ang spirit of unity and sportsmanship. ‘Di ba’t napakaganda nun?
“Ngayon, may nagmungkahi nga po sa ating paunlakan ang courtesy call ng women’s volleyball team ng Ateneo de Manila University, tulad noong nakaraang taon. Ang naisip ko, baka naman puwede rin nating maimbita ang first runner-up ng tournament.
“Kung nagpakitang-gilas ang Lady Eagles, malamang, na-motivate silang maghanda nang husto dahil hindi basta-basta ang kompetisyon. ‘Di po ba, kapag mayroon kang katapat na mahusay, talagang mahihimok ka ring itodo at ibigay ang lahat?
“Iyan po ang dahilan ng pagtanggap din natin ngayon at pagkilala sa women’s volleyball team ng De La Salle University (DLSU), ang DLSU Lady Spikers.
“Gayundin, umabot sa atin ang nakamit na kampeonato ng men’s volleyball team ng Ateneo de Manila University, ang Ateneo Blue Spikers. Sabi ko, mainam siguro kung isabay at pag-isahin na lang natin ang pagbisita ninyong lahat dito.
“Kaya naman, binabati ko po ang mga bumubuo sa tatlong koponang ito, mula sa inyong mga kasapi sa loob at labas ng court, mga manlalaro, coach at manager, gayundin ang mga institusyong inyong kinakatawan.
‘Husay at kakayahan’
“Tunay nga, sinasalamin ninyong mga atletang mag-aaral ang sigla, sigasig at determinasyon ng henerasyon ngayon. Huwaran kayo ng pambihirang husay at kakayahan ng kabataang Pilipinong magtagumpay, anuman ang larangang kanilang mapili o mapusuan.
“Lalo namang pinapatunayan ng pagtitipong ito, sa likod ng matinding kompetisyon at kantiyawan, ay mga tunay na magkakatuwang at magkakaibigan. Batid ito, lalo na ninyong mga atletang dating magkakaeskuwela, na ngayon ay magkatunggali sa iba’t ibang liga.
“Alam din ito ng ilan sa inyong players, na sabi ng mga writer kong more or less kaedad ninyo, ay may kasintahan o napupusuan nang mula sa kabilang eskuwela. [Laughter]
“Sa panahon ngayon kung saan may mga nagtutulak ng kaguluhan at pagkawatak watak sa iba’t ibang bahagi ng mundo, at maging dito sa atin, maraming puwedeng matutunan sa ipinapakita ninyong mabuting halimbawa.
‘Pakikipagkapwa’
“Kahit pa nasa sentro kayo ngayon ng age-old rivalry na ito ng Ateneo at La Salle, hindi kayo tuluyang nagpapadala sa girian at asaran. Sa inyong edad, ipinapakita ninyo, maging sa mga nakakatanda sa inyo, ang kapangyarihan ng pagpapakumbaba at pakikipagkapwa.
“Naisip ko rin po, sana, ang mga pulitiko, pati na ang mga kasapi ng iba’t ibang sektor ng lipunan, ay ganito rin ang ipamalas na ugnayan. Kapag tinanaw nila ang isang tunggalian o kompetisyon, matanong sana nila sa kanilang mga sarili: Healthy ba ang rivalry na ito? Kapag naman may kritisismo, matanong sana nila: Constructive ba ito?
‘Heartstrong’
“Iyan nga po ang diwang gusto nating itanim sa isip at puso ng ating mga kababayan. Nahahati man tayo sa iba’t ibang isla, mayroon man tayong mga pagkakaiba, sa huli, iisang koponan lang tayong mga Pilipino. Walang spike na ‘di kayang saluhin, kung nakatutok sa nagkakaisang layunin. Walang atakeng hindi kayang itawid, kung may estratehiya, may pasahan, at may koordinasyon ang bawa’t isa.
“Sa pagbubuklod at pagkakasundo, sa pakikiambag para sa tunay na pagbabago, panalo ang bawat Pilipino.
“Iyan nga ang panawagan sa atin ngayon, lalo na sa inyong mga kabataang magmamana sa ipinupunla nating reporma—ang mag-‘One Big Fight’ laban sa katiwalian at kahirapan. Ika nga ng ni Coach Tai ng Ateneo Lady Eagles: ‘Heartstrong.’ Basta’t nagkakaisa at buo ang pusong makipagkapwa, siguradong makakamit ang kolektibo nating hangarin bilang isang bansa.
“Bago po ako magtapos, muli akong nagpapasalamat sa inyong lahat na dumalo ngayon. Kung saka-sakaling may mag-request ulit na makipag-selfie sa atin, papayag ako pero may kondisyon na po itong taong ito.
“Last year ho kasi may lumapit sa akin, puwede bang maki-selfie. Sabi ko, ‘Puwede.’ Ang nagtanong ho sa akin isa eh. Ang nasa litrato ho yata bente singko kami. [Laughter] Pero magaling ho ’yung kumuha, wala hong na-crop ang mukha.
“Bago ho ako pumayag, kung saka-sakaling may gusto pa hong magpa-selfie sa inyo sa akin, mauna sanang makipagselfie sa inyo ang dalawa nating kasamahang ginawang posible ang pagtitipong ito: sina Fr. Jett Villarin at Bro. Armin Luistro, at kung nandiyan rin ho si Bro. Benny, sana kung paano ho ang pagtrato niyo sa kanila, ganun ho sana ang pagtrato niyo sa akin.
“Magandang tanghali muli sa inyong lahat. At congratulations to all. We would not have achieved our achievements without the good interaction with others.
“Thank you. Good day!”
Photography Raymond Cauilan
Styling Daryl Baybado
Makeup Chuchie Ledesma for Maybeline New York and Jet Babas
Hairstyle Ethan David and Jet Babas
Visit us on Instagram 2bUltimate; Facebook: 2bU; e-mail [email protected]